"Mga kapatid, mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa mga Amerikano. Ang ating sarili." - Heneral Luna
Image Source GMA News |
Sa exclusive report ni Jiggy Manicad, sinabi ng asset na itinago sa pangalang Richard, na close-in bodyguard umano mismo ni Marwan ang pumatay sa terorista habang natutulog ito.
Ginawa umano ito sa ilalim ng "Oplan Kalilintad.
Taliwas ito sa mga lumabas na ulat na tropa ng SAF ng Philippine National Police (PNP) ang nakapatay kay Marwan sa ilalim naman ng Oplan Exodus.
Ayon sa ulat, ang dalawang operasyon ay parehong nilikha ni dating PNP Chief Alan Purisima, na noo'y suspindido nang maganap ang madugong misyon sa Mamasapano na nagresulta sa pagkakasawi ng mahigit 60 katao, kabilang ang 44 na SAF troopers.
Ayon kay Richard, na nagpakilalang isang matandang asset ng PNP sa Mindanao, panahon daw ni dating PNP chief at ngayon Zambales governor Hermogenes Ebdane nang gamitin siya para makatulong sa pamahalaan. Kabilang dito ang pagsagip sa Italian priest na si Fr. Benedetti, at sa paghanap at napatay na Indon terrorist na si Al Ghozi.
Nakilala raw ni Richard si Purisima noong hepe pa lang ito ng special task force ng PNP na PACER.
Taong 2014 daw nang muling lumapit sa kaniya si Purisima para sa isang misyon upang hanapin si Marwan.
Kasama rin umano sa utos sa kaniya ni Purisima na pag- aralan kung paano makakalapit kay Marwan para mapatay ito.
Ilang larawan ang ipinakita sa ulat na nagpapakita ng ilang tao na naging bahagi sa pagbuo umano ng Oplan Kalilintad, na ang ibig sabihin ay "peace and stability."
Dito umano nahanap ni Richard ang dalawa sa kanyang kakilala na sina Alyas Cocoy, na kapitbahay ni Marwan, at isang alyas Temtem, na kapatid ng isang kumander ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF).
Habang pinaplano umano ang Oplan Kalilintad, kinontak ni Cocoy ang kababata niyang si Datukan Singgagao, na close-in bodyguard umano ni Marwan.
Binibigyan umano ng pondo si Singgagao habang hindi pa naisasakatuparan ang misyon nito na patayin si Marwan habang natutulog.
Isang confidential agreement din umano ang nilagdaan nina Purisima at mga kasama sa plano para makuha ang P50 milyon reward kapag napatay na si Marwan.
Batid daw nila na may gagamiting police commando sa operasyon pero iminungkahi raw nila na hindi papasukin ang mga ito sa lugar para maiwasan ang patayan.
Sa halip, ilalabas ang bangkay ni Marwan at ihahatid lamang sa dapat sana'y nakaabang na police commando.
Nang sumapit ang madugong araw ng Mamasapano encounter, sinabi ni Cocoy na nagawa ni Singgagao na mapatay si Marwan habang natutulog sa pamamagitan ng pagbaril ng M-16 armalite sa dibdib.
Pero nagkaroon daw ng putukan ay nabulabog na ang komunidad. Hindi raw nakuha ni Singgagao ang bangkay ni Marwan kaya pinutulan na lang ito ng daliri.
Subalit habang tumatakas, naipit umano ni Singgagao sa putukan at nasugatan. Pero bago nalagutan ng hinihinga, nakatawag daw ito kay Cocoy na gumawa ng paraan para makuha ang kaibigan.
Hindi naisailalim sa awtopsiya ang mga labi ni Marwan dahil inilibing kaagad ito. Nasunog din ang bahay kung saan napatay umano si Marwan ilang araw matapos ang engkuwentro.
Kamakailan, ayon kay Cocoy, kinunan na siya ng salaysay ng legal team ni Senador Juan Ponce Enrile para sa mga impormasyon nalalaman niya.
Nakatakdang buksan muli ng Senado ang pagdinig sa Mamasapano encounter sa Miyerkules.
Original source GMA News
No comments:
Post a Comment